Wednesday, June 26, 2013

Paano ang mga Ibang Babae?


Makasarili  ba talaga ang tao? Naiisip lang ang kanyang sariling pangangailangan. Nalilimutan niya ba na may mga ibang tao sa tabi niya. Sa ginhawa ng buhay, nalilimutan ba natin ang paghihirap ng  iba? Talagang wala bang pagmamahal ang tao sa kanyang kapwa. Kahit walang pagmamahal, nalilimutan ba ng tao na kailangan niya ang iba para mabuhay.

Ako'y isang babae ng mundo, gusto ko din ang magandang buhay na puno ng mga magagandang bagay at puno ng kasiyahan. Buhay burgis! Buhay mayaman! Buhay sosyal! Malaking bahay! Nagbabiyahe sa buong mundo (sa mga 'exotic locales')!

Pero  paano ang mga babae na hindi malayang makalabas sa kanilang bahay at ang mga lalaki sa pamilya nila ang nagdesisisyon para sa kanila at hindi nila ito maitunggali dahil wala silang karapatan labanan ang kanilang pamilya. Paano ang mga babae na walang kontrol sa kanilang katawan, na ginugupitan ang kanilang pagkababae (female genital mutilation), na sinanamantala ng mga lalake na kilala o di nila kilala...

Ito lagi ang nasa isip ko kapag pinapanood ko ang mga babae dito sa Washington, D. C. Ganito ako noon hanggang namulat ang aking mga mata sa mga nangyayari sa mga kababaihan ng mundo, sa mga bansa na hindi ko siguro mabibisita sa maikli kong buhay, at sa mga kultura na nalaman ko lang dahil sa nabasa ko, narinig ko, o napanood ko...

Masuwerte ako na malaya akong magdesisyon para sa aking sarili. Hindi ako linalabanan ng aking pamilya. Pwede kong gawin halos lahat... Pwede akong mag-aral, pwede akong magtrabaho, at lalo na pwede kong piliin ang aking asawa o huwag magpakasal buong buhay ko...

Ito ang nais ko para sa lahat ng mga kababaihan ng buong mundo kaya ako'y nagsusumpa sa aking sarili na gagawin ko ang lahat para sa mga babae ng buong mundo at para sa mga henerasyon na wala pa sa daigdig.

No comments:

Post a Comment